Tuesday, July 13, 2010

Rights of the Differently Enabled

This digest was originally submitted by me for a radio show which the UP Office of Legal Aid is required to contribute in.

The text is written in Filipino to cater to the shows audience. Feel free to send me a message or comment if you want a clarification. The basis for the Courts decision is the Magna Carta for Disabled Persons (RA 7277) and Labor Code Art 280.




Case: Bernardo v NLRC, G.R. No. 122917, July 12, 1999

ANG NANGYARI:
Ang kasong ito ay inihain ng 43 empleyadong may kapansanan ng dating Far East Bank and Trust Company. Sila ay tinanggal sa trabaho ng Far East sa kadahilanang ang posisyong kanilang hinahawakan ay hindi na kinakailangan para sa pang araw-araw na operasyon ng bangko.

Nagumpisang kumuha ng mga empleyagong pipi at bingi ang Far East noong taong 1988, nagpatuloy ito hanggang taong 1993. Ayon sa Far East ang pagkuha ng mga empleyadong may kapansanan ay sa kadahilanan na din ng pakiusap ng ilang mga taong nagnanais na tulungan ang mga nasabing empleyado.

Ang mga petitioner sa kasong ito ay lumagda sa isang kontrata na tinalaga ng Far East na “Employment Contract for Handicapped Workers”. Nakasaad sa nasabing kontrata na sila ay kinukuhang empleyado ng Far East bilang money sorters at counters. Nakasaad din sa kontratang pinirmahan nila na ang kanilang karapatan bilang empleyado ng bangko ay base lamang sa kung ano ang pinirmahan nila at nakasaad sa kontrata at wala ng iba. Maliban dito, nakasaad din na bilang isang “accommodated” or ipinakiusap lamang na empleyado ng banko, ang kanilang estado ay hindi kapareha ng isang regular na empleyado. Dahil dito, di gaya ng isang regular na empleyado wala silang karapatan sa separation pay at iba pang benepisyong tinatamasa ng isang regular na empleyado gaya ng seguridad sa hanapbuhay o ng karapatang hindi matanggal sa trabaho ng walang dahilan.

TANONG:

Kung maaari ba silang maging regular na empleyado na may kaukulang benepisyo?

SAGOT:
Oo, ang isang empleyadong naglingkod ng mahigit sa anim na buwan sa isang posisyong kinakailangan at kanais-nais para sa kumpanya ay itinuturing ng batas na regular na empleyado bagamat ang kontratang pinirmahan nila ay nagsasabi na ang kanyang estado ay probationary employee lamang.

Ang anumang nakasulat sa batas at sa Labor Code ng Pilipinas ay itinuturing din na nakasulat sa bawat kontratang pinipirmahan ng isang empleyado. Sa kadahilanang ito, bagamat nasusulat sa kontratang pinirmahan ng isang “accommodation” employee na sya ay isang probationary employee lamang at hindi maaaring maging regular na empleyado matapos maglingkod ng mahigit sa anim na buwan sya ay ituturing na ng batas na regular na empleyado.

Ayon sa RA 7277 o ang Magna Carta for Disabled Persons ang isang “qualified diabled person” ay kailangang bigyan ng parehong karapatan sa isang “qualified abled person”.
Anuman ang rason sa pagtanggap sa isang empleyado, maging awa man ito o dahil lamang sa pinagbigyan ang hiling ng isang tao, ang nasabing empleyado ay magiging regular pa din base sa klase ng trabahong kanyang ginagampanan at sa haba ng panahon ng kanyang paglilingkod sa kumpanya. Bilang mga money sorter at counter ang pagiging pipi at bingi ng mga naghablang empleyado ay hindi naging hadlang upang magampanan nila ng maayos ang kanilang tungkulin, sa gayun karapat-dapat lamang na sila ay mabigyan ng benepisyong karapat-dapat sa isang regular na empleyado.

Sa kadahilanang ang pagtanggal sa kanila ng Far East ay walang lehitimong rason, sila ay binibigyan ng karapatan para sa backwages o sweldong hindi nabigay magmula ng sila ay matanggal hanggang sa pagbibigay ng hatol sa kaso at separation pay. Bagamat 43 ang naghabla, 27 lang ang binigyan ng korte ng estadong regular employee sa kadahilangan ang 16 na naghabla ay hindi pa naglilingkod ng mahigit sa 6 na buwan ng sila ay matanggal.

No comments:

Post a Comment